Miyerkules, Oktubre 5, 2016

DAKILANG GURO ni Lovely B Pamintuan (Spoken Word Poetry)

Ako sayo'y may regalo,
Para sa espesyal na araw sayo,
Ito'y nagmula sa aking puso,
At tanging alay para sayo

Aming guro maraming salamat,
'Di ka namin makakalimutan sa iyong kadakilaan.
Salamat iyong pagmamahal ay inilaan,
Salamat sa iyong kakintalang iniwan!

Mga kuwento't pangaral na isinambit mo,
'Di mawawala sa puso't isipan ko.
Nawa'y marami pang tulad ko sa iyo ay matamo,
Magandang aral at asal na iyong itinuturo.

Mahal kong guro sayo kami'y may dalangin,
Poong Maykapal sa iyong buhay ika'y pagpalain,
At iyong mga hiling ay kanyang dinggin,
Ingatan ka sa tuwina at paghimbing.

Mahal kong guro minsan ay itinuri kang ina,
Minsan kang nakasama sa lungkot at saya.
Buhay man namin ay guminhawa,
Kailanman ika'y palaging idadakila.

Aming mahal na guro maraming salamat po sa inyong pagtuturo,
Sana'y simpleng tula ko'y nagustuhan mo,
Ikaw ang naging inspirasyon sa pagsulat nito,
Wala ka man sa aming tabi, ika'y nasa puso't isipan namin palagi.
----------------------------------------------------
Ito ay iniaalay ko sa aking mahal na guro (Ma'am Marlyn Calimag, guro at tagapayo ko noong aking ikawalong baitang). Sa kabila ng aming pagkukulang at kakulitan, kami'y kaniyang nauunawaan. At pati pagkukulang ng ibang magulang sa amin ay kaniyang pinunan. Sa kanya ay aming naramdaman ang pag-unawa at pagmamahal.

We love you ma'am! ^^ 
Saludo po ako sa mga dakilang guro kagaya po niya! ^^
P.S: PARA SA MGA MAG-AARAL PATULOY PO NATING PASALAMATAN ANG ATING MGA GURO. ^^

Sabado, Setyembre 17, 2016

Takot

Dumating naba sa punto na gusto mo ng sumuko? Sumuko na ipaglaban pa ang bagay na mahal na mahal at gustong gusto mo. Natatakot na kaya baka sa huli masayang lang ang pagod at panahon na nilaan mo. Natatakot ka na baka magkamali ka, na baka masaktan mo lang sila. Natatakot ka na baka 'di mo kakayanin at susuko nalang sila sayo. Takot. Takot na nagbabalot sa ating kakayanan na baka kahihiyan lang ang kahihinatnan. Takot na pumipigil sa ating talento. Takot na hihilain ka pababa para sumuko sa mga pangarap mo. Takot na magwawasak sa'yong puso. Takot na sisira ng buhay mo.Isang salita na nakakakilabot na sayo ay bumabalot. Ngunit huwag kang mangamba. Ang takot ay likha lamang ng ating kaisipan, upang tayo'y mangamba at sumuko. Ngunit kung ikaw ay may tiwala sa'yong sarili at sa Diyos, walang makakapigil sa mga pangarap mo at kanyang mga pangako.Magtiwala ka lamang, ito ang iyong kailangan. Tiwala na alam mong makakaya mo, pagkat siya'y nariyan sa tabi mo upang gabayan ka. Wala kang dapat ipagalala, mga pangako niya'y 'di mawawala, pagkat sa kanya ika'y nagtiwala.Ang Diyos ay handang magpaulan ng pagpapala sa mga taong sa kanya'y nagtitiwala. Ang Diyos sayo'y may regalo, regalong pagmamahal at buhay na walang hanggan. Ika'y ginantimpalaan ng isang kakayahan, kakayahan na akala mo'y wala ka, kakayahan na akala mo'y 'di mo magagawa. Mahal ka niya na walang pagdududa. Lagi mong tandaan siya'y nakikinig sa mga kuwento at hinaing mo. Huwag kang matakot, sa ama ka magtiwala, landas mo'y kanyang pinagpala. 

Huwebes, Agosto 11, 2016

Ang Aming Pamilya

     Binubuo ng anim na miyembro ang aming panilya, kung saan dati'y kami'y sama-sama. Akin tuloy naaalala na kami'y may pasalubong sa tuwing uuwi si papa. Kay saya na balikan ang mga alaala , walang kupas, kahit na lumipas na.

     Naging hamon sa aming magkakapatid nang maghiwalay ang aming mga magulang. At simula noon, ang tanging hinahangad nalang namin ay mabuo ulit kami.

     Si papa ay isang construction worker sa Pampanga. Namumuhay siya kasama ang dalawa kong kuya, sina Kuya Arjay at Kuya Hubert.

     Samantala, kaming dalawa naman ng aking bunsong kapatid ay kasama si mama at ang kaniyang kinakasama.

     Hindi naging madali ang lahat para sa amin. At hanggang ngayon ay naririto parin ang aming paghahangad na mabubuo ulit kami, at ito'y sa pamamagitan ng ating Diyos.

     Bagamat, hindi man buo ang aming pamilya ngayon ay nananatili parin ang aming pagmamahal sa bawat isa saming magkakapatid. 

     Hindi man kami naging matibay noon, alam parin namin na may magandang rason parin ang Diyos sa amin. At ang hamon na ito ang mas nagpapatatag at nagbibigay ng kalakasan sa amin, kahit ito'y mahirap.

Ang Pagtataksil

     Ano ba ang pagtataksil?
     Ang pagtataksil ay isang bagay na masama at makakasakit ng damdamin ng tao. Ang pagtataksil ay bahagi ng pagsisinungaling, panloloko, pagpapaasa at pagpapanggap.               
     Masakit mang isipin, ngunit tayo'y kadalasang nabibiktima nito, lalo na sa magkaibigan at mag-asawa. At dahil sa pagkukubli ng sikreto o pagtataksil, kadalasan ito'y humahantong sa pagkakasira ng isang relasyon sa ating kapwa. Ika nga nila, "Ang katapatan ang matibay na pundasyon ng isang relasyon."
     
     At bakit nga ba nagkakaroon ng pagtataksil?
     Nagkakaroon ng pagtataksil, dahil sa may iba pang hangarin na isip natin ay makakabuti at makakasaya sa atin, at dahil doon ay nakukuha natin ang maglihim.         

     Ito ay maiuugnay sa tunay na buhay. Ihalintulad na lamang natin ito sa mga nasasawi sa pag-ibig na kadalasang dahilan ay sila ay pinagtataksilan, kung saan mapapansing kabi-kabila ang mga hugot nila. Pero kapag ang Diyos ang minahal mo, hindi ka aasa at mabibigo, pagkat tunay at wagas kung magmahal ang Diyos.     
     
     Sa kabila nito, naniniwala parin ako na mas marami parin ang tunay na mga kaibigan yung hindi ka iinjanin at pagtataksilan, sa madaling salita walang halong kaplastikan.      

     Normal lang ang masaktan at normal lang na maranasan natin ang ganitong mga hamon sa ating buhay. Dahil kung tayo ay nasasaktan, nalalaman pa nating tayo ay nabubuhay. At ang pagmamahal natin sa isang tao ay masusukat sa ating katapatan at pagpapahalaga sa tiwalang ibinigay nila.

Biyernes, Agosto 5, 2016

Ang Pilipinas at Ang Mga Pilipino

     Ang Pilipinas ay isang bansa kung saan naninirahan ang mga Pilipino at bansang may pambansang wika na Filipino. Ito ay may demokratikong pamamahala, kung saan ay may kalayaan na pumili ng sarili nating mamumuno at iluluklok sa pamahalaan.
     At kung tungkol sa kasaysayan. Bago natin nakamit na kalayaan ng ating bansa, ang ating bansa ay sinakop ng tatlong daang taon, kung saan ay mahabang panahon bago nakamit ng ating bansa ang kalayaan. At dahil sa kagitingan ng ating mga bayani na ipaglaban ang kalayaan ng ating bansa ay nakamit natin ang ating kalayaan noong Hulyo 12,1896.
     At bilang isang Pilipino dapat na taglayin natin ang pagkakaroon ng nasyonalismo, kung saan may pagmamahal tayo sa sarili nating bayan. Ito'y isang kamalayan sa ating lahi na nag-uugat sa pagkakaroon ng isang relihiyon, wika, kultura, kasaysayan at pagpapahalaga.
     Ngunit sa pamamagitan ng neokolonyalismo ay patuloy na tayo'y sinasakop ng ibang bansa sa pamamagitan ng pagtangkilik ng kanilang mga produkto. Bunga noon ay hindi na natin namamalayan na tayo'y nasasakop na ng kanilang kultura sa pamamagitan ng ating kaisipan, at dahil dito ay nagagaya na natin ang kanilang kaugalian, pananalita at pananamit at pati na kung minsan ay hinahangad natin na kalahi na lamang natin sila.
     Ako'y lubos na nababahala sa mga tulad kong mga kabataan na lubos ang kanilang paghanga sa mga banyaga. Hindi naman masama na kung minsan tayo'y humahanga at tumatangkilik sa gawa ng mga taga ibang bansa, ngunit sana naman ay pahalagahan at tangkilikin natin ang sariling atin----na handog na bayan ng Diyos para sa atin. Nakalulungkot isipin na ganito na ang nangyayari, kaya sana'y maging bukas ang ating puso't kaisipan sa mga nangyayari, sa gayon ito ang magtutuwid sa atin nang tayo'y umunlad.
     Ang bansang Pilipinas ay likas na mayaman, likas sa yamang mineral at sa kalikasan. Kayrami nating magagandang tanawin, kaya sana ito'y ating pahalagahan at ingatan. Tayo'y napakaswerte na tayo'y mga Pilipino at isinilang sa mayamang bansa.
     Nawa ito'y ating lubos na nauunawaan. Dahil ang pagiging Pilipino ay wala sa kulay ng balat, itsura ng mukha o pinagmulan, pagkat ang pagiging Pilipino ay nagmumula sa puso, pagkat kung mahal mo ang ating kultura, mahal mo narin ang ating bansa. At ang pagmamahal na ito ang daan para sa pagkakaisa tungo sa magandang layunin ng ating bansa.

Sabado, Hulyo 30, 2016

Pagtahak sa Landas Patungo sa Paghubog ng Pagiging Asyano

     Bilang Asyano at bilang kabilang sa Timog-Silangang Asya nagagalak ako na malaman at matuklasan ang ilang pagkakakilanlan, kultura, paniniwala at panitikan ng Timog-Silangang Asya, pagkat ito'y may kinalaman kung paano umunlad ang ating panitikan. At nang sa gayo'y may madiskubre tayo at masaksihan natin ang tungkol sa ating kasaysayan. 
     Batid ko na madidiskubre ko pa ang aking sarili sa pagtalakay natin dito at magkakaroon pa ako ng malawak na kaalaman at interes sa pagtalakay ng mga panitikan sa Timog-Silangang Asya.
     At inaasahan ko na mahahasa pa ako sa pagsulat at madagdagan ang aking mga bokubularyo.
     At sana maayos at maganda nating maitalakay ang lahat ng aralin na may kaugnay sa ating unang markahan.

Martes, Hulyo 26, 2016

Sumulat Nang Malibot Nila Ang Sandaigdigan

     Ang pagsulat ay isang paraan, para maihayag ang iyong sarili o para maipahayag ang iyong tunguhin para sa bansa o ito'y malayang paraan ng malayang pagpapahayag sa mga mamamayan. Para sa akin ito'y napakahalaga na matutunan ng bawat isa. At dapat itong mapanatili.
     Sa pamamagitan nito ay matutulungan ng mga manunulat na maransan at makita nila ang buong mundo. At ang pagsusulat patungkol sa lipunan at iba't ibang uri ng tao ay maaring makapagbukas sa ating mga isipan. Ang bawat pagsulat ng panitikan ay nagtatanghal ng moral sa mga magkakaibang mata sa pamamagitan ng paraan ng iba't ibang pananaw. Ang pagkamulat ng kamalayan sa pag-aaral ng panitikan ay nakabubuo sa paglikha ng sariling paniniwala, opinyon at pananaw ng isang tao. Salamin din ng literatura ang pagpapakita ng pagkakaiba at pagkakapareho ng pamumuhay ng mga tao sa iba't ibang lugar. Dahil binibigyan tayo nito ng kaalaman tungkol sa iba't ibang kultura. Pinakamahusay din nito ang kakayahan natin upang makipag-usap sa iba. Daloy rin ng literatura ang pakikipag-isang damdamin  natin sa iba at ang pagbibigay daan sa pag-unawa kung anuman ang kanilang nararamdaman sa isang sitwasyon o pangyayari. Ang katotohan, ito ay mahabang tulay na nagdurugtong sa sangkatauhan.
     At sa aking pagsulat ng panitikan nais kung ito'y  patungkol sa Diyos at patotoo sa aking buhay kung paano niya ito binabago. At nais ko rin na ito'y maging patungkol ito sa iba't ibang lugar na nais kong libutin sa ating bansa nang sa gayon ako ay makapaghihikayat ng maraming Pilipino. At kahit na sa pagsulat ay aking maibabahagi ang mga bagay na aking nalalaman.
    At nais ko na mahikayat ang marami na  sumulat ng kanilang mga saloobin  o patungkol sa iba't ibang mga bagay, pagkat sa pamamagitan nito ay ating maipapahayag ang ating mga sarili.

Lunes, Hulyo 18, 2016

Dear Blog,

Dear Blog,


"Madalas ang isang ina ay iisipin muna ang mga anak kaysa ano pa man."

Parang tadhana po na mabasa ko toh, at mas nakita ko pa po ang kahalagahan at pagsasakripisyo ng nanay ko. Minsan po napapagalitan po ako, tapos nagtatampo po ako at kadalasan nakikipagdebate po ako kay mama. Nalulungkot po ako atsaka umiiyak kase di ko po siya masunod e ang tanging pakiusap niya lang ay magsipag po ako sa gawaing bahay.
Pero madalas po pag nagdadasal ako iniiyak ko po kay Lord na tulungan niya po akong magbago.
Tapos ngayong araw ang umpisa po ng trabaho ni mama. Bago po siya umalis ay nagbilin po siyang maglinis po ako ng bahay.
Inaamin ko pong pagod at tinatamad ako, kaya natulog muna po ako pagkagaling sa eskwelahan. Mag-isa lang po ako sa bahay, pero alam ko po na kasama ko si Lord.
At paggising ko po, tila kinausap ako ni Lord at pinaalala ang isang bersikulo "anak sundin mo ang iyong mga magulang, at lalawig ang iyong buhay sa lupa." ito ay utos ng Diyos na may kalakip na pangako. At tila ba nagising ang aking kaisipan.
Kaya po pag-uwi ni mama, malinis na po ang bahay at maayos narin po yung mva tupiin. :) Tapos ako narin po ang nagluto ng ulam namin.^^ 
Masaya po ako na gumagawa ng gawaing bahay habang iniisip ko po na nagtatrabaho si mama para po sa amin. Ang saya din po pag anak ka ni Lord, kasi pag lumapit ka sa kanya, tutulungan ka niya. At pag nahihirapan ka, i-mo-motivate ka niya.
Magandang gabi po! :)

-Lovelove
Ay-ex

Linggo, Hulyo 17, 2016

Motibasyon sa Paghahangad ng Buong Pamilya

     Ako'y isang kabataang naghahanap ng kalinga mula sa ama't ina. Maliban diyan ay nais ko rin ng atensiyon at pagmamahal. Ngunit bunga ng 'di magandang pagkakaunawaan ay isa ako sa mga kabataang minsan na naghahangad ng magkabuklod-buklod at maging masaya muli ang aming pamilya.
     Isang malaking hamon sa akin bilang kabataan ang pangungulila sa aking mga magulang noon. Ako ay lumaki sa aking Lola sa Pampanga, habang ang ama't ina ko noon ay malayo pa sa akin. Naranasan ko na umiyak at mainggit sa mga kaklase ko noon sa elementarya. Bagamat hindi man buo ang aming pamilya ngayon, bilang isang kabataang kristiyano ay nanatili akong matatag at naninindigan sa pananalangin at masayang hinahangad na balang araw ay mabubuo at magiging masaya rin kami.
     Batid natin na maraming kabataan na naliligaw ang kanilang mga landas, dahil sa pagrerebelde nila sa kanilang mga magulang at sinisisi pa nila ang mga ito. Bagamat marami man silang pagkukulang dapat ay mananatili parin ang ating pagrespeto at pagmamahal natin sa kanila.
     May iba't ibang rason man ang ating mga magulang, tungkol sa kakulangan sa pinansiyal man o 'di pagkakaunawaan sa pagitan ng ating mga magulang dapat na tayo'y maging matatag para sa kanila. Tayo'y manindigan at magtiwala sa ating Panginoon. At kahit na marami man silang pagkukulang o pagkakamali, bagkus ay mahalin, respetuhin at unawain parin natin sila. Madalas ay pagalitan o bungangain man nila tayo, pero ginagawa nila ito para sa sariling kapakanan natin, pinagsasabihan o pinagbabawalan man nila tayo ay para di tayo mapahamak at maakit ng tukso. Gusto ko lang ipaalala na mahal na mahal nila tayo, parang pag-ibig ng Diyos sa atin. Kapag nga may sakit tayo mas gugustuhin pa nila na akuhin ang lahat ng sakit.  Kaya kung napapagod tayo mas napapagod din sila. Kaya dapat matuto tayong magpahalaga hanggang kasama pa natin sila.
     Malungkot mag-isa, malungkot pag 'di mo sila kasama, pero mas  pinili kong  maging masaya. Kasama  ko ang nanay at bunsong kapatid ko. At sa piling ni Lord mas naging masaya at kuntento ako sa mga bagay na meron ako. At mas naging matapang pa ako naharapin ang mga pagsubok  sa pamilya ko  at sa buhay ko. Ilang beses na akong hinamon ng unos, pero tunay ngang  pag-asa ang hatid sa atin ng Diyos, kaya ito yung naging  dahilan para piliin kong tumayo, siya ang dahilan para  masabi ko  na "mas malaki ang Diyos sa mga problema natin." Alam ko na hinahanda at mas pinapatatag lang ako ni Lord, dahil alam ko na may malaki siyang pagpapalang ibibigay. At hindi ko alam kung ano  man yun, ngunit naniniwala ako namararanasan ko yun. Sa piling ni Lord, apat maging malungkot ang lahat, bagkus ang Diyos ang magbibigay ng kagalakan sa atin. Hinding-hindi ako magsasawang siya'y purihin, pagkat siya ay totoo at buhay.
     Ang paraan para mapatatag ang isang pamilya ay kailangan sa sarili  mo ito magmula. Dapat na ikaw ay naninindigan sa iyong katatagan at katapangan at dapat ay matiyaga ka sa pananalangin. Dahil pag ang Diyos ang kumilos sa iyong buhay ay 'di lang pagpapala ang hatid niya kundi pati panibagong buhay para sa matagumpay na kinabukasan.
     Nawa siya ay ating pagkatiwalaan sa ating buhay at magalak sa pagbabago. Napakasaya na pinupuri si Lord habang naghihintay sa tamang panahon, panahon na itinakda ng Panginoon.

Martes, Hulyo 5, 2016

Bilang Isang Lider Para Sa Kinabukasan

     Bilang isang lider ng isang bayan o may pinamumunuan ay kailangan na may Hesus ka sa iyong buhay. Dapat hindi tayo umaasa sa sariling kakayanan ng ating sarili.
     Ako na isang kabataan ay isang Kristiyano na handang paglingkuran ang kaharian ng Diyos. At alam ko na balang araw ay mas malawak pa ang aking mundong gagalawan na may kaakibat na malaking responsibilidad sa pamayanan at sa aking pamilya. At gusto kong iparating na ang matibay na pundasyon para sa matatag na pamayanan at pamilya ay pagmamahal at kailangan din natin na magpasakop tayo sa may mga kinauukulan at may awtoridad, para magpasakop rin ang ating pamilya at pamayanan. Kailangan din na si Hesus ang sentro ng ating buhay at siya'y ating pagkatiwalaan.
     Kung ako ay mamumuno balang araw ay aking ituturo at ipagbibigay alam sa aking nasasakupan na kailangan natin magpasakop sa Panginoon at kailangan na magkaroon ng pagkasarinlan ang isang bayan nang magkaroon ng kapayapaan, pagkakaisa at pagrespeto, kahit sa kabila ng iba't ibang paniniwala.
     At mahalaga na bilang isang lider na mayroon akong paninindigan sa aking mga salita. At naniniwala ako na mas mahalaga parin ang kasipagan, kaysa sa karunungan, upang magkaroon ng sibilisado, maayos, mapayapa, mataas na antas ng edukasyon at trabaho, kaunlaran ng ekonomiya at higit sa lahat ang disiplina, upang ang mga mamamayan ay maiangat sa kahirapan.
     At naniniwala ako na ang susi sa kaunlaran ay ang mga kabataan na nasa kasalukuyang henerasyon na tatayo sa kanilang mga paa balang araw.
     "Ang mga kabataan ay siyang pag-asa ng bayan." hanggat may mga kristiyanong kabataan na handang magdala sa liwanag mula sa kadiliman.

Earthquake Drill Bilang Paghahanda


     Ang lindol ay ang mahina hanggang sa malakas na pagyanig ng lupa na dulot ng biglaang paggalaw ng mga bato sa ilalim nito.
     At mayroong iba't ibang panganib ang dulot ng lindol: ang pagyanig, ang pagbitak ng lupa at tsunami, kaya napakahalaga ng kahandaan kung sakaling dumating ang paglindol.
     Bilang paghahanda sa posibleng pagkakaroon ng malakas na lindol ay isinasagawa ang Earthquake Drill, upang matulungan ang mga estudyante at ang mga pamayanan kung sakaling may maganap na lindol sa ating bansa.
     Kailangang paghandaan ang lindol upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan. Hindi man natin alam kung saan at kung kailan maaaring mangyari ang lindol ay maaari naman nating matutunan at maituro ang mga kaukulang leksiyon upang mapaghandaan ang posibleng pagtama nito.