Huwebes, Agosto 11, 2016

Ang Aming Pamilya

     Binubuo ng anim na miyembro ang aming panilya, kung saan dati'y kami'y sama-sama. Akin tuloy naaalala na kami'y may pasalubong sa tuwing uuwi si papa. Kay saya na balikan ang mga alaala , walang kupas, kahit na lumipas na.

     Naging hamon sa aming magkakapatid nang maghiwalay ang aming mga magulang. At simula noon, ang tanging hinahangad nalang namin ay mabuo ulit kami.

     Si papa ay isang construction worker sa Pampanga. Namumuhay siya kasama ang dalawa kong kuya, sina Kuya Arjay at Kuya Hubert.

     Samantala, kaming dalawa naman ng aking bunsong kapatid ay kasama si mama at ang kaniyang kinakasama.

     Hindi naging madali ang lahat para sa amin. At hanggang ngayon ay naririto parin ang aming paghahangad na mabubuo ulit kami, at ito'y sa pamamagitan ng ating Diyos.

     Bagamat, hindi man buo ang aming pamilya ngayon ay nananatili parin ang aming pagmamahal sa bawat isa saming magkakapatid. 

     Hindi man kami naging matibay noon, alam parin namin na may magandang rason parin ang Diyos sa amin. At ang hamon na ito ang mas nagpapatatag at nagbibigay ng kalakasan sa amin, kahit ito'y mahirap.

Ang Pagtataksil

     Ano ba ang pagtataksil?
     Ang pagtataksil ay isang bagay na masama at makakasakit ng damdamin ng tao. Ang pagtataksil ay bahagi ng pagsisinungaling, panloloko, pagpapaasa at pagpapanggap.               
     Masakit mang isipin, ngunit tayo'y kadalasang nabibiktima nito, lalo na sa magkaibigan at mag-asawa. At dahil sa pagkukubli ng sikreto o pagtataksil, kadalasan ito'y humahantong sa pagkakasira ng isang relasyon sa ating kapwa. Ika nga nila, "Ang katapatan ang matibay na pundasyon ng isang relasyon."
     
     At bakit nga ba nagkakaroon ng pagtataksil?
     Nagkakaroon ng pagtataksil, dahil sa may iba pang hangarin na isip natin ay makakabuti at makakasaya sa atin, at dahil doon ay nakukuha natin ang maglihim.         

     Ito ay maiuugnay sa tunay na buhay. Ihalintulad na lamang natin ito sa mga nasasawi sa pag-ibig na kadalasang dahilan ay sila ay pinagtataksilan, kung saan mapapansing kabi-kabila ang mga hugot nila. Pero kapag ang Diyos ang minahal mo, hindi ka aasa at mabibigo, pagkat tunay at wagas kung magmahal ang Diyos.     
     
     Sa kabila nito, naniniwala parin ako na mas marami parin ang tunay na mga kaibigan yung hindi ka iinjanin at pagtataksilan, sa madaling salita walang halong kaplastikan.      

     Normal lang ang masaktan at normal lang na maranasan natin ang ganitong mga hamon sa ating buhay. Dahil kung tayo ay nasasaktan, nalalaman pa nating tayo ay nabubuhay. At ang pagmamahal natin sa isang tao ay masusukat sa ating katapatan at pagpapahalaga sa tiwalang ibinigay nila.

Biyernes, Agosto 5, 2016

Ang Pilipinas at Ang Mga Pilipino

     Ang Pilipinas ay isang bansa kung saan naninirahan ang mga Pilipino at bansang may pambansang wika na Filipino. Ito ay may demokratikong pamamahala, kung saan ay may kalayaan na pumili ng sarili nating mamumuno at iluluklok sa pamahalaan.
     At kung tungkol sa kasaysayan. Bago natin nakamit na kalayaan ng ating bansa, ang ating bansa ay sinakop ng tatlong daang taon, kung saan ay mahabang panahon bago nakamit ng ating bansa ang kalayaan. At dahil sa kagitingan ng ating mga bayani na ipaglaban ang kalayaan ng ating bansa ay nakamit natin ang ating kalayaan noong Hulyo 12,1896.
     At bilang isang Pilipino dapat na taglayin natin ang pagkakaroon ng nasyonalismo, kung saan may pagmamahal tayo sa sarili nating bayan. Ito'y isang kamalayan sa ating lahi na nag-uugat sa pagkakaroon ng isang relihiyon, wika, kultura, kasaysayan at pagpapahalaga.
     Ngunit sa pamamagitan ng neokolonyalismo ay patuloy na tayo'y sinasakop ng ibang bansa sa pamamagitan ng pagtangkilik ng kanilang mga produkto. Bunga noon ay hindi na natin namamalayan na tayo'y nasasakop na ng kanilang kultura sa pamamagitan ng ating kaisipan, at dahil dito ay nagagaya na natin ang kanilang kaugalian, pananalita at pananamit at pati na kung minsan ay hinahangad natin na kalahi na lamang natin sila.
     Ako'y lubos na nababahala sa mga tulad kong mga kabataan na lubos ang kanilang paghanga sa mga banyaga. Hindi naman masama na kung minsan tayo'y humahanga at tumatangkilik sa gawa ng mga taga ibang bansa, ngunit sana naman ay pahalagahan at tangkilikin natin ang sariling atin----na handog na bayan ng Diyos para sa atin. Nakalulungkot isipin na ganito na ang nangyayari, kaya sana'y maging bukas ang ating puso't kaisipan sa mga nangyayari, sa gayon ito ang magtutuwid sa atin nang tayo'y umunlad.
     Ang bansang Pilipinas ay likas na mayaman, likas sa yamang mineral at sa kalikasan. Kayrami nating magagandang tanawin, kaya sana ito'y ating pahalagahan at ingatan. Tayo'y napakaswerte na tayo'y mga Pilipino at isinilang sa mayamang bansa.
     Nawa ito'y ating lubos na nauunawaan. Dahil ang pagiging Pilipino ay wala sa kulay ng balat, itsura ng mukha o pinagmulan, pagkat ang pagiging Pilipino ay nagmumula sa puso, pagkat kung mahal mo ang ating kultura, mahal mo narin ang ating bansa. At ang pagmamahal na ito ang daan para sa pagkakaisa tungo sa magandang layunin ng ating bansa.